l.y.n.K.s

Saturday, December 03, 2005

Kailan pa?


Ikaw ang aking takbuhan sa oras ng kahinaan;
Sa t'wing ako'y napapagod, ika'y palaging nariyan;
Kung may karamdaman, naghehele'y ikaw din naman;
Ganap na kapahingahan sa'yo ko lang natatagpuan.

Kung minsan ang mga luha'y sa iyo ibinabaling,
Pipi kang saksi sa aking mga hinaing,
Ang mga pangarap ko, hindi na kailangan pang sabihin,
Iyo'y alam mo na, sa gabi-gabing tayo'y magkapiling

Kapag walang magawa, sa iyo din ako tumatakbo,
At malugod mong tinatanggap ang kahit anong kilos ko,
Talagang mahirap ipagpalit ang isang tulad mo,
Masarap kang kasama, ano pang mahihiling ko?

At ngayon, sa oras na'to, hinahanap-hanap kita,
Namimiss kita at ikaw ang gusto kong makasama,
Sana'y nandito ka para samahan ako,
Tiyak na ang pagod ko'y madaling mapapawi mo.

Ngayon, sa oras na'to, gusto kitang takbuhan,
Ngunit sadyang kay laki na ng ating pagitan,
Sana nga'y kasama kita sa lahat ng pupuntahan,
Ngunit may mga bagay na sadyang di mapapahintulutan.

Ilang sandali pa ba ang lilipas na 'di tayo magkasama,
Ilang kilometrong layo ang tatahakin para lang makapiling ka,
Ilang sayaw pa ng relo ang aking papanoorin,
Bago tuluyang ika'y muling mayakap na rin.

Sana'y malapit na, dahil ako'y naiinip na,
Bugbog na ang aking isipan, katawa'y pata pa,
Ikaw lang ang sa aki'y makapagbibigay ginhawa,
Aking kama, ikaw ay miss na miss ko na!

2 comment(s):

haha. orig ba to? :P

By Blogger Prinsesa, at 9:58 AM  

Wow, daily morning routine?! Haha.

Yup, original yan. Masama ang epekto sa akin ng puyat ngayon, nagiging makata ako bigla! Hehehe! :P

By Blogger K.L.Y.N, at 10:30 AM  

Post a comment

<< Home